Sa napipintong banta ng El Nino, WD nananawagang Magtipid sa Tubig |
Muling nananawagan ang pamunuan ng Puerto Princesa City Water District sa mga mamamayan ng lungsod na ugaliin ang pagtitipid sa tubig lalo na ngayong tila di na maiiwasan ang epekto ng El Nino phenomenon sa bansa base sa pagtaya ng PAG-ASA. Ito ay bilang pagsunod rin sa Memorandum Circular 004-14 na inilabas ni Administrator Andres Ibarra ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na kung saan lahat ng water district sa bansa ay pinaghahanda sa epekto ng El Nino.
Ayon kay General Manager Antonio Jesus R. Romasanta, bagaman at sagana sa ngayon ang suplay ng tubig, hindi pa rin tayo dapat na maging kampante at kailangang paghandaan ang El Nino. Aniya, walang sinuman ang makapipigil sa Kalikasan tanging mga mitigating measures ang ating magagawa upang mabawasan ang epekto nito sa mga mamamayan. Maliban sa simpleng pagtitipid sa tubig, pagbabawas ng dami ng tubig na ginagamit sa ara-araw at pagre-recycle, nananawagan din si GM Romasanta na maging mapagmatyag sa mga tagas sa linya. Kapag may nakitang leak sa mga tubo, agad na i-report sa Water District sa 433-2408 upang agad maaksyunan. Umaapela din ang pamunuan ng WD sa mga malalaking establisimiyento sa lungsod na ipatupad din ang ibat ibang water conservation measures sapagkat sila ang pinakamalalakas na komunsumo ng tubig. Dagdag pa rito, hinihikayat din ang mga tourism establishments na magpagawa ng cistern tank o imbakan ng tubig para sa mas matipid at maayos na sistema ng distribusyon ng tubig. Samantala, sa bahagi naman ng Water District tanging drilling ang makakasagot sa napipintong kakulangan ng suplay ng tubig. Ayon kay GM Romasanta, ang Montible-Lapu Lapu project ay maipatutupad sa taong 2017 pa. Kaya sa ngayon, at sa susunod pang dalawang taon, walang ibang maring asahan ang lungsod kundi ang ating mga ground water sources. |