Habang nalalapit ang Public Hearing sa November 14, tignan ang rationale at justification para sa proposal na ₱2.50 per cubic meter.

Ang water utility ay lubos na nakadepende sa energy sector, partikular na sa kuryente, para sa pag-pump, pag-treat, at magdistribute ng malinis na tubig. Ang pabago-bagong presyo ng gasolina at ang dahan-dahang pagtaas ng singil sa kuryente ay ilan sa mga dahilan ng pagtaas ng gastusin sa operasyon ng aming ahensya.

Direktang naaapektuhan ng mga gastusing ito ang operating expenses, particular sa kuryente at diesel fuel (power cost).

Ang PPCWD ay hindi nagpatupad ng anumang pagtaas ng water rates sa nakalipas na 14 na taon. Subalit, batay sa aming Monthly Data Sheet/FS para sa mga taong 2015 at 2024, mayroong malaking pagtaas sa gastos sa kuryente para sa produksyon ng tubig per cubic meter kumpara noong 2015.

Noong 2015, ang average na singil sa kuryente ay nasa ₱9.00 per kWh. Sa kasalukuyan, umakyat na ito sa ₱14.88 per kWh.

Ang halaga ng diesel fuel, na bahagi rin ng aming energy bilang backup power para sa mga diesel generator sa lahat ng aming water facilities, ay nagbibigay ng hamon sa pataas na trend ng gastusin sa energy. Sa aming billing records, ang presyo ng diesel noong 2015 ay nasa ₱55 per litro, at noong Agosto 2024, umakyat ito sa ₱65.15 per litro sa average.

Ang malaking pagtaas na ₱5.88 per kWh sa kuryente at ₱10.15 per litro ng diesel sa pagitan ng mga taong ito ay katumbas ng pagtaas na ₱4.40 sa gastos sa produksyon ng bawat cubic meter ng tubig—mula sa average na ₱2.95 per cubic meter noong 2015 ay naging ₱7.35 per cubic meter nitong Agosto 2024.

Kung walang maayos na adjustment sa power costs na naaayon sa kasalukuyang presyo sa energy sector, maaaring maapektuhan ang kakayahan ng PPCWD na magpatupad ng mga expansion projects at mapalawak ang sakop ng aming serbisyo sa mga susunod na taon.

Ang proposed Power Cost Adjustment (PCA) ay batay sa water utility guide na ibinigay ng Local Water Utilities Administration (LWUA). Ang na-compute na Power Cost Adjustment para sa 2024 ay nasa ₱5.32 per cubic meter.

Tandaan na ang adjustment na ito ay hindi kasama ang mga pagtaas sa workforce o dami ng mga empleyado, interest rates, treatment expenses, water rate increase (2010), o anumang mga factors na may kinalaman sa aming operating expenses. Ang computation na ito ay nakatuon lamang sa power cost para sa produksyon ng bawat cubic meter ng tubig.

Sa patuloy at unti-unting pagtaas ng presyo ng kuryente at diesel sa mga nakaraang taon, kasama ang mahalagang papel ng energy sector na ito sa kakayahan ng PPCWD na magpalawak ng serbisyo, inirerekomenda at inaprobahan ng Board of Directors sa pamamagitan ng Resolution No. 08-24-150 ang pag-implement ng Power Cost Adjustment na ₱2.50 per cubic meter.

Ang adjustment na ito ay magbibigay ng balanse sa pagitan ng pag-cover sa tumataas na gastos sa energy habang pinapaliit ang pinansyal na pasanin sa publiko.

Ang Public Hearing ay isang pagkakataon para makilahok ang mga consumer at maunawaan ang mga dahilan sa likod ng proposed Power Cost Adjustment. Inaasahan din naming makuha ang inyong mga suhestiyon, katanungan, at saloobin na magiging gabay namin sa aming mga desisyon. Alamin kung paano ito makakaapekto sa ating mga kababayan.

Ang proposed adjustment ay dadaan pa rin sa pagsusuri at pag-apruba ng Local Water Utilities Administration (LWUA) bago ito ma-implement sa ating mga water bill.

Muli, kayo po ay iniimbitahan namin na makilahok sa darating Public Hearing sa November 14, 2024, Edward S. Hagedorn Coliseum, 1:00 PM to 5:00 PM.