Montible-Lapu Lapu Water project, ikinakasa na ng WD |
Upang matugunan ang inaasahang kakulangan ng suplay sa lungsod sa mga susunod na taon dulot ng paglobo ng populasyon, ikinakasa na sa ngayon ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) ang malawakang proyekto upang maging pangunahing pagkukunan ng tubig ang Lapu-Lapu River at Montible River sa Bgy. Montible.
Ayon kay General Manager Antonio Jesus Romasanta, napaaga kumpara sa inaasahan ang water shortage sa lungsod. Kung tutuusin aniya, base sa pag-aaral ng LWUA o Local Water Utilities Administration, dapat ay taong 2015 pa makararanas ng kakulangan sa tubig subalit 2012 pa lang ay nagsimula na itong maramdaman sa lungsod. Kaya naman kailangang mas agahan din ang paglalatag ng panibagong proyekto para makahanap ng bagong malakihang source ng tubig sa lungsod. “Eto na nga yun, next to Irawan…yung ilog sa Montible ang puwede nating asahan, bagamat may kalayuan nga lang…”. Idinagdag pa ni GM Romasanta na kung ikukumpara sa Irawan, mas malaki ang ilog ng Montible. “In terms of vegetation, lamang na lamang din ang Montible, ibig sabihin mas maliit ang tsansa na matuyuan ang ilog kahit ay matinding tag-init”, ayon pa sa kanya. Base naman sa mga inisyal na datos, may kapasidad ang ilog na makapagbigay ng mahigit 50 Milyon litro kada araw, mas malaki kumpara sa 25 MLD na kayang ibigay ng Ilog-Irawan. . Ang nabanggit na proyekto ay popondohan mula sa loan sa Development Bank of the Philippines (DBP) na tinatayang aabot ng 823 Milyong Piso. Tiniyak naman ni AGM For Admin & Finance Ronnie Fernandez na may kapasidad ang Water District na magbayad sa parang di maaapektuhan ang normal na financial operation nito. . Sa ngayon, pinaplantsa na lamang ang komponente ng proyekto habang inaayos pa ang ilang requirements o permit para maisakatuparan ang proyekto. Kung masusunod naman ang orihinal na plano, tinatayang bago matapos ang taon ay makakapagsagawa ng bidding at inaasahang sa susunod na taon ay masisimulan na ang naturang malakihang proyekto. |