Kakulangan sa tubig, posibleng maranasan muli ngayong tag-init |
Nagbabala ang pamunuan ng Puerto Princesa City Water District sa mahigit tatlumpo’t apat na libong kunsomidores nito na ngayon pa lang ay paghandaan na ang posibleng maranasan na matinding kakulangan ng tubig ngayong tag-init.
Ayon kay General Manager Antonio Jesus Romasanta, posible aniyang kung ano ang naranasan natin noong nakaraang taon, ay ganoon pa rin ang kakaharapin natin ngayong parating na tag-init. Ipinaliwanag muli ni GM Romasanta na ang kasalukuyang pinagkukunan nating source sa Bgy. Irawan ay “sahod-ulan” lamang kaya’t kapag dumadating ang panahon na madalang ang buhos ng ulan, mabilis ang pagbaba ng lebel ng tubig sa dam. Kaya’t sa ganung pagkakataaon ang maasahan lamang natin ay ang mga ground water sources o deep wells. Bagamat nagbabala, positibo pa rin si GM Romasanta na muling malalampasan ng lungsod ang napipintong krisis sa tubig. Base sa pag-aaral ng Water District, kailangan ng lungsod ng karagdagang 14, 000 cubic meter na produksiyon kada-araw. Ginagawa naman aniya ng ahensya ang lahat upang makapagdagdag ng deep wells, subalit base sa resulta ng mga drilling projects, nasa 8, 000 cubic meter lamang kada-araw ang naidagdag at sadyang mayroon pang kakulangan na humigit-kumulang 6, 000 cubic meters per day. Liban dito, hindi naman tayo naapektuhan ng El Niño nitong nakaraang taon kaya’t nakapagpahinga ng husto ang ating mga deep wells at maaari na namang isabak sa halos 24/7 na operation ngayong tag-init. Samantala, nilinaw din ni Romasanta na ang ikinakasang Montible-Lapu Lapu River Water System Improvement project ay hindi pa nasisimulan dahil sa problema sa pagkuha ng authority mula sa Department of Justice (DOJ) sa kabila nang handa ang ahensya para sa proyekto. Sakali naman aniyang masimulan ang proyekto, tinatayang dalawang taon pa ang hihintayin bago ito tuluyang makatutugon sa problema sa water crisis tuwing tag-init. Sa ngayon , ang inaasahang makatutugon sa posibleng problema ay ang pagsasagawa pa rin ng mas maayos na sistema ng valving at water rationing. |