
Sa loob ng limampung taon, naging katuwang ang Puerto Princesa City Water District (PPCWD) sa pagbibigay ng maaasahang suplay ng tubig. Mula sa simpleng pasilidad at limitadong serbisyo noong ito ay itinatag, unti-unting lumawak ang saklaw ng PPCWD upang matugunan ang patuloy na paglaki ng populasyon at pag-unlad ng lungsod.
Isa sa pinakamahalagang tagumpay ng ahensya ay ang patuloy na pagpapalawak ng water distribution system upang maabot ang mas maraming kabahayan, negosyo, at institusyon. Sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bagong transmission at distribution pipelines, reservoirs, pumping stations, at water treatment facilities, mas marami nang komunidad ang nabigyan ng akses sa tubig.
Malaki rin ang naging ambag ng PPCWD sa pangangalaga ng mga pangunahing pinagkukunan ng tubig ng lungsod. Sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at organisasyon, patuloy nitong pinoprotektahan ang mga watershed, kabilang ang Irawan at Montible Watersheds, na nagsisilbing pangunahing pinagmumulan ng tubig ng Puerto Princesa. Ang mga programang tree planting, at environmental conservation ay patunay ng pangako ng ahensya na tiyaking may sapat na suplay ng tubig hindi lamang sa kasalukuyan kundi maging sa mga susunod na henerasyon.
Sa larangan ng kalidad ng tubig, nananatiling prayoridad ng PPCWD ang kaligtasan ng bawat consumers. Ang Water Testing Laboratory ng ahensya ay patuloy na nakakamit ang “Highly Satisfactory” na marka mula sa National Reference Laboratory mula pa noong 2022, patunay na ang tubig na ipinagkakaloob sa publiko ay sumusunod sa itinakdang pamantayan ng kaligtasan at kalidad.
Isinusulong din ng PPCWD ang iba’t ibang programang pangkomunidad tulad ng Basic Household Plumbing Training, Facility Tours para sa mga estudyante at organisasyon, One-Stop Shop Services sa mga barangay, at iba’t ibang information and education campaigns na naglalayong palawakin ang kamalayan ng publiko sa wastong paggamit at pangangalaga sa tubig.
Patuloy ding pinaiigting ng ahensya ang pakikipag-ugnayan sa mga institusyong pang-akademiko sa pamamagitan ng mga kasunduang nagtutulak ng pananaliksik, environmental education, at iba pang proyektong magpapalakas sa water resource management ng lungsod.
Bilang tugon sa lumalaking pangangailangan sa tubig, patuloy na nagsasagawa ang PPCWD ng mga malalaking proyekto upang mapalakas ang kapasidad ng sistema. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga bagong transmission lines, pagpapalawak ng mga treatment facilities, at modernisasyon ng mga pasilidad upang matiyak ang mas matatag at episyenteng serbisyo para sa lumalaking populasyon ng Puerto Princesa.
Sa panahon ng kalamidad, tagtuyot, at iba pang hamon, nananatiling matatag ang PPCWD sa pagpapatupad ng mga contingency measures upang mapanatili ang suplay ng tubig sa abot ng makakaya. Ang maagap na pagpaplano at rehabilitasyon ng mga pasilidad.
Sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo, higit pa sa paggunita sa nakaraan ang ipinagdiriwang ng Puerto Princesa City Water District. Ito ay pagdiriwang ng limang dekada ng dedikasyon, integridad, at malasakit sa bawat tahanan at komunidad na pinaglilingkuran nito.
Habang patuloy na umuunlad ang Puerto Princesa, nananatiling matatag ang pangako ng PPCWD na maging katuwang ng bawat mamamayan sa pagtataguyod ng ligtas, sapat, at napapanatiling suplay ng tubig. Mula sa mga naabot na tagumpay hanggang sa mga proyektong nakalaan para sa hinaharap, isang layunin ang nananatiling gabay ng ahensya ang magbigay ng dekalidad na serbisyo para sa Puerto Princesa.
Limampung taon ng serbisyo. Limampung taon ng tiwala. Limampung taon ng pagdaloy ng buhay para sa Puerto Princesa.
